Tuesday, May 19, 2015

Dapat lisanin na ng CJHDevCo ang John Hay

(Maaari ding makita sa http://www.abante-tonite.com/issue/may1815/edit_record.htm#.VVrd3Lmqqkp)


Ni Jeany Lacorte

Ibang klase ang pangungunyapit ng Camp John Hay Development Corporation (CJHDevCo) sa Camp John Hay sa Baguio City.

Tila hinihintay pa yata ng mga ito na literal silang bitbitin ng mga awtoridad palabas ng bisinidad dahil magpahanggang ngayon ay nagbi­bingi-bingihan pa rin sila sa atas ng korte.

Abril 20 pa ng kasalukuyang taon nang magbaba ng kautusan ang Office of the Ex-Officio Sheriff ng First Judicial Region, Branch 6 ng Regional Trial Court sa Baguio City para lisanin ng CJHDevCo ang Camp John Hay pero mag-iisang buwan na mula nang mag-isyu ay wala pa ring pag-aalsa-balutan na naganap.

Hindi uubra ang katuwiran na ginagamit ng kampo ng CJHDevCo na hindi nila puwedeng lisanin nang basta-basta ang lugar dahil sa mga umiiral na sub-lease contract sa pagitan nito at ng mga nagtayo ng negosyo sa loob ng Camp John Hay.


Kailangan muna umanong mai-refund sa mga ito ang mga halagang ibinayad sa ­CJHDevCo bilang upa at iba pang obligasyon sa umiiral na kontrata.

Kung ganito din lamang naman ang rason ng CJHDevCo, hindi uubra na ibalik nito ang sisi sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) dahil nagawa na nito ang obligasyon para maayos ang mga karapatan ng mga negosyanteng apektado ng pagpapalayas sa CJHDevCo.

Abril 21 pa ng kasalukuyang taon nang maglagak sa korte ng P1.42B ang BCDA para magamit sa pagri-refund sa mga ibinayad ng mga negosyante na hindi matatapos ang kontrata dahil sa kaugnayan sa kumpanya.

At dahil nagawa na ng BCDA ang obligasyon nito, dapat ay ang CJHDevCo sa pangunguna ni Robert John Sobrepena na ang humikayat sa korte na ilabas ang nabanggit na halaga para maibayad na niya sa mga sub-lessees.

Sa ganitong usapin, ang importante sa lahat ay sundin ang utos ng korte bago pa man maging mas kumplikado ang mga susunod na sitwasyon.

No comments:

Post a Comment